| Leave a Comment

Sa Bawat Kalamidad, May Oportunidad

Minsan pagod ka na at parang ang sarap na basta na lang isuko ang laban...

Lalo na kung lahat ng pinaghirapan mo ng matagal ay sinira ng kalamidad ng isang singkad. Sa panghihina ng iyong loob, naiisip mo na baka hindi talaga para sayo ang pagnenegosyo. Baka may ibang kapalarang naghihintay sayo. Baka naman pati ang kalikasan ay tutol sa iyong pag-asenso gaya ng maraming asungot sa tabi-tabi na kumukutya at nagmamaliit sa iyong abilidad at pagsusumikap sa negosyo.

Pero teka, bago ka malunod sa drama ng iyong kabiguan, maghunos ka. Kung gusto mong magluksa, sige! Pero itigil ang kahibangan ng pagsuko sa gitna ng pagsubok. Ito na nga ang pagkakataon mo para maging mas matatag na tao at negosyante. Kung paanong ang kidlat ay lumilitaw lang sa gitna ng bagyo, gayon din ang iyong gilas at abilidad ay pwedeng lumabas  sa kasagsagan ng iyong pagharap sa bagyo na sumapit sa iyong negosyo.

Ngayon mo dapat huwag kalimutan na para sa isang negosyante, sa bawat kalamidad, may oportunidad...



Lahat ng umasensong negosyante, nagdaan sa tragedya, kalamidad, pagkabigo at iba pang disaster. Subali't dahil makulit sila sa pagasa na ang asensong hanap nila ay matatagpuan lamang sa pagnenegosyo, nagpursige sila. At gaya ng lahat ng istorya ng pagpupursige, umabot sila sa punto ng pagiging experto at experyensado; kayat gaya ng magaling na mangangaso, ano man ang mangyari, wala nang kawala ang asenso sa kanilang mga kamay. Kaya't sa isang banda, kapag sumapit ang kalamidad sa iyong negosyo, dapat pa nga ay ma-excite ka, dahil baka ito ay nagbabadya na malapit na ang iyong asensong totoo:  

BANTAYAN ANG SARILI LABAN SA TAKOT
Delikado at sadyang nakakatakot ang kalamidad sa buhay at negosyo. Pero mas malaking klamidad ang hayaan mong ang takot ang mangibabaw sa'yo. Gamitin mo ang takot bilang warning sa peligro, bilang paalala na magiong maingat, hindi bilang gabay sa kung ano ang dapat mong desisyon. Kung susubukan at pipilitin ang sarili na maging kalmado at realistiko, magagawa mong ilagay sa sukat na perspektibo ang iyong takot at timbangin ito laban sa ibang impormansyon at posibilidad na pwede mong magamit. Sa gayong paraan, habang ang lahat ng tao sa paligid mo ay nilamon na ng kanilang takot, balanse at matalino pa rin ang iyong desisyon.

PAGKAKATAON NA MAGSIMULA NG BAGO 
Sa pagsisimula ng negosyo hindi maiiwasang magkaroon ka ng maraming kapalpakan. Pero sa  pagsisimula sa ikalawang beses, pagakakataon mong magsimula ng malinis at walang mintis. Kung pipiliin mo lang maging positibo, ito ay napakagandang pagkakataon para itayong muli ang  iyong negosyo na libre mula sa mga dati nitong kahinaan dulot ng mga kapalpakan sa diskarte. Kapag ganito ka, huwag kang magtaka kung makabangon ka ng napakabilis, at makapagtayo ng negosyong mas hanep kaysa dati.  

UNAHAN SA ARANGKADA ANG KALABAN
Ang pag-ahon ng iyong negosyo mula sa trahedya ng kalamidad ay napakagandang timing din para ungusan ang kompetisyon. Habang nagluluksa at nagkakamot pa ng ulo ang iyong mga katunggali sa negosyo, heto ka, bumabanat at humahataw sa pagresbak! Bago pa nila mapansin ang ginagawa mo, ikaw na ang number one sa merkado. Kahit mga kostumer nila, nainip na sa paghihintay sa kanila at sa ngayon ay iyong iyo na.        

ANG NEGOSYO AY SERBISYO
Minsan mas malinaw mong makikita ang papel ng iyong negosyo sa buhay ng iyong mga kostumer sa panahon ng kalamidad. Kung baga, may mga oportunidad na lalong sumusingkad kapag talagang madilim ang paligid. Kung dati rati ang iyong atensyon ay nilamon na ng iyong pilit na pakikipagsabayan sa kompetisyon, ngayon ay makikita mo kung ano ag talagang importante sa mata at puso ng iyong mga kostumer. Huwag mong iwala ang aral na ito. Gawin mong pundasyon ng iyong bagong tayong negosyo. Pagtagal-tagal, sa panahong kahit mga kalaban mo sa negosyo ay nakatayo na muli, alam mong ang iyong asenso ay nakatayo sa mas matibay na pundasyon. Kung sakaling abutan kang muli ng isa pang trahedya, alam na alam mong babangon kang muli at babangon kang mas madali.



0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...