Subali’t kapag nagsisimula na itong umaseno, kailangan mo ng mga tauhan na magiging katuwang. Kung dito ka papalpak ay baka masira ang "momentum" ng iyong pag-angat, kayat dapat alam mo ang mga katangian ng mga tauhan na pwedeng mong maging ka-asenso.
May apat na kritikal na mga katangian ang dapat mong hanapin sa mga tauhan...
At kapag nasipatan mo ang mga katangiang ito sa iyong tauhan, alagaan mo sila na parang kaibigan at isama mo sa pag-asenso, dahil talagang kailangan mo sila at sayang naman kung mapunta pa sa ibang employer.
1. ALISTO NA, ALERTO PA!
Bukod sa natural na masipag sa trabaho, dapat mong hanapin ang tauhan na natural na may malasakit sa negosyo. Ito ay hindi dahil nagpapansin, o dahil gusto ka niyang tulungang yumaman. Ugali lang talaga niya na kung gagawin rin lang ang isang trabaho, mas gugustuhin nyang gawin ito ng pinaka maayos. Likas din sa kanya ang may malasakit sa kostumer at madali syang makibagay sa mga ito. Alisto sya sa mga maliliit na bagay na pwedeng pahusayin pa sa iyong negosyo gaya ng takbo o proseso ng trabaho. Alerto sya sa maliliit na senyales ng mga problema, lalo na yung may potensyal na lumaki. Kapag namatyagan mo ang katulad nito, kaibiganin mo, ituring mo na parang kamag-anak. Minsan ay hindi nila basta sasabihin ang kanilang mga suhestyon, subali’t kapag nag-open sayo, makinig ka, naka-jackpot ka!
2. CURIOUS NA, SERIOUS PA!
Magaling sa obserbasyon at mahilig matuto ng bagong bagay. Ang naguudyok sa kanila ay ang pagnanais na lumago bilang tao, at kung matutulungan mo sila sa bagay na ito sa pamamagitan ng kanilang paninilbihan sa iyong negosyo, pawang matapat at mapagkakatiwalaan ang ganitong uri ng tauhan. Problema lang, ay mabilis silang ma-bored o mabagot, kaya’t trabaho mo na siguruhing ma-appreciate nila na ang kanilang pagsisikap sa kasalukuyan ay magbubunga ng biyaya sa kanilang kinabukasan, maging yun man ay bilang iyong tauhan o bilang empleyado ng iba o bilang negosyate rin na kagaya mo.
3. MAPARAAN, HINDI MAREKLAMO
Hindi lang basta masipag, kungdi pwede mo pang iwanan sa kanilang ginagawa at maaasahan mong kung may maliit mang problema, sosolusyonan nila sa maliit nilang paraan. Bagama’t nakakaramdam din ng reklamo, mas nangiongibabaw sa kanila ang paghahanap ng solusyon base sa kung anong resources o oportunidad na meron sa paligid. Karaniwan rin sa kanila ay hindi naghahabol ng pansin o pabuya sa malasakit na kanilang ipinapakita. Subali’t ikatutuwa nilang malaman na naa-appreciate mo sila ng lubos.
4. RESPONSIBO, LAGING GAME SA TRABAHO!
Sila ang masarap utusan kapag biglang may problema. Kung made-develop mo sila, ito ang mga uri ng tauhan na pwedeng maging trouble shooter ng iyong negosyo lalo na habang wala ka. Handa nilang iwanan ang kanilang ginagawa para rumesponde sa isang maliit na problema o aberya sa iyong operasyon. Napakaimportante ng ganitong mga tauhan lalo na sa maliit na negosyo na napaka fluid ng operasyon. Hindi sila nagbibilang ng trabaho.May katamaran kapag walang masyadong magagawa, pero kayod marino kapag talagang kailangan --- at hindi mo na kailangan pakiusapan.
0 comments:
Post a Comment