|

✪ Paano Magsimula ng Matatag na Negosyo?

Lahat ng negosyo ay nagsisimula bilang isang ideya. Subali’t maraming nagbbalak magnegosyo ang nasasadlak sa mahabang pag-iisip o paghahanap ng ideya. Akala nila, kailangan kakaiba at bukod-tangi ang isang ideya para kumita. Akala nila, dapat perpekto ang kanilang ideya bago umarangkada. Ano nga ba ang dapat na diskarte sa pangangalap ng ideya png-negosyo?

Narito ang ilang diskarte sa negosyo ayon sa mga beterano ng Technology Resource Center (TRC):


1. ISANG IDEYA LANG ANG KAILANGAN MO 
Gaya ng pag-iisip ng pangalan para sa iyong negosyo, isang ideya lang talaga ang kailangan para ka yumaman sa negosyo. Halimbawa, ang buong pag-asenso ng Jollibee ay nakabatay lang sa isang ideya, fastfood na sarap-Pinoy. Ang MINI STOP naman - sari-sari store kahit saan, kahit anong oras. Ang Coca-Cola, pangtanggal uhaw.

Gaano mo man katagal mag-isap o magsaliksik, huwag mong kakalimutan na isang ideya lang ang kailangan mo.

Ang ideyang ito ay nakabatay sa kung anong oportunidad ang nais mong gamitin para mapagsilbihan ang pangangailangan ng mga kostumer. Ang ideyang ito ang mag-didikta kung anong mga bagay ang dapat mong alamin at pag-aralan.

2. ANG IDEYA AY GALING SA KOSTUMER 
Bagama’t pwedeng ikaw na negosyante ang nakaisip ng ideya, malamang ay naisip mo ito dahil ikaw ay kostumer din. Alam mo ang pangangailangan at pakiramdam ng isang kostumer, kaya’t duon ka magpokus. Ano ang nais mo bilang kostumer? Mas murang presyo, mas magandang kalidad, pruduktong mas madaling makuha o mabili, mas angkop sa panlasa, mas mahusay na serbisyo.


3. KUMPIRMAHIN ANG IDEYA SA MGA KOSTUMER 
Subali’t nakaksiguro ka ba na ang iyong ideya ay siya ring ideya ng mga potensyal na kostumer mo? Paano kung napaka kaunti pala ng may gusto sa gusto mo?

Para maiwasan ang mas sigurading pagkalugi at tiyak na kahihiyan, hindi masama ang magtanong sa iba. Huwag kang matakot na kopyahin nila ag ideya mo. Sa totoo lang mahirap isa-realidad ang ideya sa negosyo na hindi naman ikaw ang nakaisip.

Itanong mo sa mga kaibigan na potensyal na kostumer kung bibili sila ng produktong naisip mo o kung tatangkilik sila sa naisip mong negosyo. Kung hindi, dapat mag  dalawang-isip ka na.

4. MALIIT NA EKSPERIMENTO 
Kung okay sa potensyal na kostumer ang ideya, ang susunod mong dapat itanong sa sarili ay kung realistiko o feasibl ba ang ideya. Baka kasi sa imahinasyon lang magwo-work ang ideya, pero sa totoong buhay, semplang.

Subukin mo ang ideya sa hindi magastos na paraan. Halimbawa, kung nais mo magtayo ng bakery, mag-angkat ka muna ng tinapay sa iba at ibenta mo. Kung nais mo magtayo ng silkscreen printing business, mag-ahente ka muna para sa iba. Bukod sa karagdagang kaalaman na mapupulot mo, mapupulsuhan mo ang tunay na kondisyon ng negosyong ito sa tunay na buhay. Bukod pa rito, makukumpirma mo ang sarili mong pakiramdam – excited ka pa rin ba sa ideya mo sa kabila ng pagod o ano mang hamon na engkuwentro?

5. GAWIN MO LANG! 
Kapag okay ang ideya sayo, okay sa kostumer, at kumpirmado sa eksperimento, panahon na para magdesisyon: itutuloy mo ba o hindi?

Ito rin ang sasagot sa malaking tanong; negosyante ka ba o naghahanap lang ng magandang ideya? Personal na desisyon ito at walang pakialam ang mundo. Posibleng hindi ka pa handa kaya ayaw mo muna, o kung ano mang ibang balakid. Subali’t tandaan mo, ang iyong pagiging negosyante ay hindi nagsisimula maliban na lang na ituloy mo ang ideya.

Kung ang tanong mo ay “ito na ba talaga ng negosyong magpapayaman sa akin?”, ang sagot ay, malamang hindi, pero… malay mo. Hindi mo malalaman ang tunay na sagot hanggat hindi mo subukang totohanin ang negosyo.

6. MATATAG NA NEGOSYO 
Bagama’t napaka importante ng mahusy na ideya sa pagiging matatag ng iyong negosyo, hindi ideya ang pundasyon ng iyong negosyo.

Gaya ng sinasabi namin sa NEGO DISKARTE dati pa man, ang pundasyon ng matatag na negosyo ay matatag na negosyante.

Huwag mong kalimutan ang sarili bilang pundasyon ng iyong asenso sa negosyo. Sa iyong pagiging matatag nakasalalay ang iyong asenso. Kung gumuho man ang iyong negosyo, sigaruduhin mong nakatayo ka pa rin. Kung madurog ang iyong pangarap, siguraduhin mong buo ka pa rin.



Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...